Miyerkules, Agosto 22, 2012

Mga Dibuhong Nagdedepikto ng Kaisipang Tradisyunal


Sa aking paghahanap ng tatlong dibuhong makapagpapakita ng mga kaisipang tradisyunal, nakakita ako ng tatlo kung saan dinedepikto ang mga ideyang humubog sa tradisyunal na lipunang Pilipino.
1. "Ina at Anak" ni Fernando Amorsolo

Sa dibuhong ito ni Amorsolo, naipapakita niya ang isang simpleng tagpo kung saan pinapasan ng isang babae ang isang bata. Masasabi na ang babaeng ito ang ina ng bata. Pinapaksa ni Amorsolo ang papel ng babae sa tradisyunal na lipunang Pilipino. Noong panahon ng mga Kastila, ang mga babae ay hindi binibigyan ng edukasyong ibinibigay sa mga lalaki. Ito ay dahil sa kaisipan na ang tanging papel ng babae sa lipunan ay magkaanak at palakihin ang anak na ito na kumukumporme sa kumbensyon ng lipunan at sumusunod sa utos ng Simbahan at Pamahalaan. Ito ang turo ng Simbahan noong panahon ng mga Kastila.  Sa dibuhong ito, makikita ang pag-aalaga ng ina sa kanyang anak. Masasabing ang dibuhong ito ay isang representasyon ng tradisyunal na kaisipan noong nakaraan.
2. "Mano po, Lola" ni Jasmin Orosa

Sa dibuhong ito ni Orosa, naipapakita naman ang isa sa mga tradisyong Pilipino na hanggang sa ngayon ay makikita pa rin. Naidepikto ni Orosa ang isang batang nagmamano sa kanyang lola. Ito ay isang simbolo ng respeto ng mga nakababata sa mga nakatatanda. Ipinapakita dito ang identidad ng mga kabataan--mga taong sumusunod lamang sa nakatatanda sa kanila, at pagbibigay ng utang na loob sa nagpalaki sa kanila sa pamamagitan ng pagpapakita ng respeto sa kanila. Ito ay isang halimbawa pa rin ng tradisyunal na kaisipang Pilipino. Mahalaga sa pamilyang tradisyunal na Pilipino ang pagbibigay ng respeto sa mga nakatatanda sa kanila. Ito ay itinuro ng Simbahan sa pamamagitan ng ikaapat na utos ng Diyos, na mahalin at igalang ang mga magulang. Dahil sa lahat ng ito, masasabing ang "Mano po, Lola" ni Jasmin Orosa ay isang representasyon ng isa pa ring kaisipang tradisyunal sa lipunang Pilipino.
3. "Harana" ni Carlos Francisco


Tanyag noong nakaraang mga panahon sa Pilipinas ang paraan ng panliligaw na paghaharana. Naipakita ni Francisco sa dibuhong ito ang lalaking nanunuyo, sa pamamagitan ng pag-awit at pagtugtog ng gitara, para sa kanyang iniirog. Mapapansin dito ang papel ng lalaki at papel ng babae sa ligawan. Mapapansin dito na ang babae ay nakaupo lamang habang ang lalaki ang nanunuyo sa babae. Dito naidepikto ni Francisco ang identidad ng lalaki, na siyang nanliligaw, at identidad ng babae, na siyang nililigawan. Masasabing ang dibuhong ito ay isang representasyon ng mga kaisipan sa tradisyunal na lipunang Pilipino. Ang babae ay tagatanggap lamang ng manliligaw. Halos wala siyang ginagawa sa proseso ng ligawan, at hinahayaan niyang ang lalaki lamang ang manunuyo sa ligawang ito. Dito makikita ang de-kahong imahe ng mga babae sa lipunang tradisyunal, kung saan sila'y hamak na tagatanggap at tagasunod lamang sa mga desisyon ng mga lalaki. 
Itong tatlong dibuhong ito ay maaring representasyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Ipinapakita rito ang mga papel ng iba't-ibang klaseng tao sa isang lipunan na itinatag noong panahon ng mga Kastila.