Sa aking paghahanap ng
tatlong dibuhong makapagpapakita ng mga kaisipang tradisyunal, nakakita ako ng
tatlo kung saan dinedepikto ang mga ideyang humubog sa tradisyunal na lipunang
Pilipino.
1. "Ina at Anak"
ni Fernando Amorsolo
Sa dibuhong ito ni
Amorsolo, naipapakita niya ang isang simpleng tagpo kung saan pinapasan ng
isang babae ang isang bata. Masasabi na ang babaeng ito ang ina ng bata.
Pinapaksa ni Amorsolo ang papel ng babae sa tradisyunal na lipunang Pilipino.
Noong panahon ng mga Kastila, ang mga babae ay hindi binibigyan ng edukasyong
ibinibigay sa mga lalaki. Ito ay dahil sa kaisipan na ang tanging papel ng
babae sa lipunan ay magkaanak at palakihin ang anak na ito na kumukumporme sa
kumbensyon ng lipunan at sumusunod sa utos ng Simbahan at Pamahalaan. Ito ang
turo ng Simbahan noong panahon ng mga Kastila. Sa dibuhong ito, makikita
ang pag-aalaga ng ina sa kanyang anak. Masasabing ang dibuhong ito ay isang
representasyon ng tradisyunal na kaisipan noong nakaraan.
2. "Mano po,
Lola" ni Jasmin Orosa
Sa dibuhong ito ni Orosa,
naipapakita naman ang isa sa mga tradisyong Pilipino na hanggang sa ngayon ay
makikita pa rin. Naidepikto ni Orosa ang isang batang nagmamano sa kanyang
lola. Ito ay isang simbolo ng respeto ng mga nakababata sa mga nakatatanda.
Ipinapakita dito ang identidad ng mga kabataan--mga taong sumusunod lamang sa
nakatatanda sa kanila, at pagbibigay ng utang na loob sa nagpalaki sa kanila sa
pamamagitan ng pagpapakita ng respeto sa kanila. Ito ay isang halimbawa pa rin
ng tradisyunal na kaisipang Pilipino. Mahalaga sa pamilyang tradisyunal na
Pilipino ang pagbibigay ng respeto sa mga nakatatanda sa kanila. Ito ay itinuro
ng Simbahan sa pamamagitan ng ikaapat na utos ng Diyos, na mahalin at igalang
ang mga magulang. Dahil sa lahat ng ito, masasabing ang "Mano po,
Lola" ni Jasmin Orosa ay isang representasyon ng isa pa ring kaisipang
tradisyunal sa lipunang Pilipino.
3. "Harana" ni
Carlos Francisco
Tanyag noong nakaraang mga
panahon sa Pilipinas ang paraan ng panliligaw na paghaharana. Naipakita ni
Francisco sa dibuhong ito ang lalaking nanunuyo, sa pamamagitan ng pag-awit at
pagtugtog ng gitara, para sa kanyang iniirog. Mapapansin dito ang papel ng
lalaki at papel ng babae sa ligawan. Mapapansin dito na ang babae ay nakaupo
lamang habang ang lalaki ang nanunuyo sa babae. Dito naidepikto ni Francisco ang
identidad ng lalaki, na siyang nanliligaw, at identidad ng babae, na siyang
nililigawan. Masasabing ang dibuhong ito ay isang representasyon ng mga
kaisipan sa tradisyunal na lipunang Pilipino. Ang babae ay tagatanggap lamang
ng manliligaw. Halos wala siyang ginagawa sa proseso ng ligawan, at hinahayaan
niyang ang lalaki lamang ang manunuyo sa ligawang ito. Dito makikita ang
de-kahong imahe ng mga babae sa lipunang tradisyunal, kung saan sila'y hamak na
tagatanggap at tagasunod lamang sa mga desisyon ng mga lalaki.
Itong tatlong dibuhong ito
ay maaring representasyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Ipinapakita rito ang mga
papel ng iba't-ibang klaseng tao sa isang lipunan na itinatag noong panahon ng
mga Kastila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento